ANO ANG TOTOONG KAUNLARAN
Ang kaunlaran ay maraming ekwasyon o konsepto na
may karaniwan at iisang layunin, ang kaayusan o kabutihan. Ngunit ang tanong ay
nakasalalay sa pagkakaiba sa pagitan ng pansariling kapakinabangan laban sa
kakayahang umunlad para sa ikabubuti ng lahat. Ang mahalagang uri ng kaunlaran
ay ipinatutupad upang tulungan ang mahihina, mahihirap, ang mga walang-lakas,
ang mga nasa laylayang komunidad, o lipunan at pangalagaan o proteksyunan ang
kapaligiran o kalikasan sa pangkalahatan.
May katotohanan ding pwedeng gawin nang bugtot na
kaunlaran na maging walang silbi ang komunidad kapag ginamit nito ang lahat ng
kapangyarihan upang panatilihin ang pansariling interes at kasakiman, tulad ng
politikang kahalayan, o ang nakatagong panlilinlang upang ilugmok ang madla sa
basurahang kawalan.
Ang ganitong uri ng pamumuhay na tapakan ang iba
upang umangat lamang, ang syang tinutukoy ng mga sikologo na isang kasakiman at
kahabag-habag na anyo ng kamalayang nababalot sa pinaka-abang anyo ng
nilalang... ang tinaguriang "matira ang matibay " o "survival of
the fittest" dahil sinasabing ito ang batas ng ebolusyon. Oo pwede ito sa
asal hayop dahil ito naman talaga ang ugali ng mga hayop, puro
pakikipagtunggali at matira ang matibay dahil kung mga hayop tayo yun din ang
susundin natin. Kung papataypatay ka patay ka. Ngunit hayop nga ba tayo?
Naiinsulto nga tayo kapag tinawag na animal, hayop o isang halimaw. Dahil
sinasabi nating tayo ay "tao". Subalit maituturing na halimaw ang
isang tao na ang tanging ipinagmamalaki ay puro utak lamang, puro kapangyarihan,
kayamanan at pera-pera lang pero walang puso, walang tunay na pagmamahal sa
kapwa at lalo na walang tunay na pananampalataya at pag-ibig sa Dios.
Ito ba ang tinutukoy nilang patungo na tayong sa
kabuoan ng tunay na ebolusyon patungo sa mas mabuting uri ng tao?
Gagawin ba ang lahat kahit sugpuin ang mahihina
maisalba lamang ang sariling kapakanan na isa pala itong kaduwagan o isang
buhay na walang katuturan upang takasan ang kapighatian?
Kung gayon, sino nga ba ang pinakamatatag sa
liblib na pook na ito? Sino ang natatanging hari at reyna sa mga islang ito?
Muli’t-muli ano nga ba ang totoong pag-unlad?
lumilikha ba ito nang kalituhan makamit lamang ang sariling kapakanan?
Kahalintulad ba nito ang sindikatong samahan upang bumuo ng mga politikang
kaharian at huwad na paglilingkod sa pamayanan gamit ang kaban ng bayan? Maaari
ba nating tawaging paglago ang mga ito? O ang tunay bang kaunlaran ay isang
pagsasagawa nang pagbabago upang sakupin o pagtagumpayan ang kumplikado at
modernong buhay?
Ano ang kaunlaran? Ito ba ay ang pagkamulat sa
katotohanan ng kabayanihan, o isang paraan lamang upang tumakas sa masidhing
kalungkutan? Kasabay ba nito ang paglikha ng kawalang-pakialam mula sa mga
tinaguriang hangal na kamalayan?
Ano ba ang totoong kaunlaran? Ito ba ay ang
pagpapanatili ng nakikita at di-nakikitang hiwaga ng kasaysayan at ang
pagprotekta sa mutya at hiyas na kalikasan? Ito ba ang kagandahang
mapagtagumpayan ang makahulugang buhay? Ito ba ang pagsibol sa isang tawag mula
sa kaibuturan ng kabutihan upang maisabuhay ang diwa ng bayanihan? O ito'y
isang dominyo ng politika lamang o masamang pita ng kapangyarihan? Ito ba'y mga
kinontratang kalsada, covered court at gusali lamang? Bakit ginagawang
kalituhan ang kaunlaran? Bakit ang pahayag nang makasariling pag-unlad ay
nagiging walang-kwenta, kahihiyan, peke, walang-galang, asal hayop at mapanira
ng kalikasan at sa huli ay inaalipin, tinatakot at dinidiktahan pa ang
sinasakupan?
Bakit nagdudulot pa ito nang kapighatian sa halip
na kaginhawaan? Bakit sa tuwing nasisilayan ang ganitong uri ng kaunlaran ay
bumubulusok sa kawalanghiyaan at kahalayan sa kalaliman ng kawalan? Kailangan
ba nating manipulahin ang kaunlaran pati na ang kalikasan makamit lang ang
kapangyarihan at kayamanan? Binabaliwala ba nito ang mamamayan? Sinasalaula ba
nito ang kalikasan at pinipilit pa nito ang kamalian? Kung magkagayon isa
lamang ang kahahantungan nang paghahasik na ito, ang nakamamatay na ganid at
kagahaman na syang tunay na kabuangan?
Sapagkat ang tunay na kaunlaran ay may pundasyon
ng moralidad at may pananaw na pangmatagalan at hindi puro ningas-kugon
lamang.. Ngunit bakit ang kanilang tinaguriang pag-unlad ay tila nawalan na
nang tunay na diwa o sentido-komun?
Para saan ba ang lahat ng mga ito? Bakit tila
habang inihahayag ang mga pansariling tagumpay ay lalo lamang nalalantad ang
pagkasira ng tunay na bayanihan sa pamayanan at nawawala ang diwa ng pagkakaisa
ng samahan?
Ang mga daan bang ito ay patungo lamang sa
pagkabigo na gawa ng kabugtutan? O ito ba'y isang uri ng pagwasak at
pagsasamantala sa mamamayan at kalikasan?
Ang mga manipulasyon at kasinungalingan nang
baluktot na pag-unlad ay nabubunyag kapag ang pera lang ang pinaiiral at puro
pangangalakal. Kung ang pagsisilbihan lamang ay ang makasariling kaisipan, ang
buhay ay maaaring maging pasakit, napakapangit, imoral, nakamamatay, at hindi
makatuwiran. Saan nga ba tayo patungo?!
Mainam na sama-sama ang lahat sa kaunlaran.
Maaaring ito'y magagqanap sa pamamagitan ng batas na ginagawa ng mga
mambabatas, o ng gobyerno, o ng sino mang namumuno tulad ng isang sistema.
Totoo na ang sistema ay maaaring gumabay sa kaunlaran, dahil kung walang
sistema hindi tayo matatawag na sibilisadong bayan o lipunan. Subalit ang ilang
uri ng sistemang ipinapataw ng mga astang halimaw sa lipunan ngayon ay upang
lumikha lamang ng kalituhan o kasinungalingan at supilin ang karamihan tulad ng
nga ginagawang panlilinlang para sa sistematikong katiwalian sa pamamagitan ng
mga huwad na kalakaran.
Sa totoo lang ang problemang ito ay hindi lamang
nakasalalay sa tinaguriang sistema kung saan naitala na ang kabulukang ito at
binansagan pang kaunlaran. Sa katotohanan, ito pala'y inilalarawan at
sinasagawa ng kaisipang "matira ang matibay" na siyang bumubuo nang
kakaibang klase ng komunidad kung saa'y itinatakwil na ang kahalagahan ng
kabayanihan at pagkakaisa upang ipagpalit sa pagsamba sa kasakiman na pinalala
pa ng manhid na pamunuang walang malasakit at walang pakialam manapa'y
pansarili lahat ang pakay.
Kaya nga't hindi para sa hangal na kaugalian ang
kaunlaran ni sa sekularismong kaisipan na hindi na alam kung ano ang tama o
mali, ang mabuti o masama at binabaligtad pa ang mali sa tama at ang tama sa
mali. Dito humahantong sa sukdulang kahangalan na ang tanging pinagsisilbihan
ay ang malupit na kaugalian kung saan ang katuwiran ay wala nang katuturan.
Parang-awa nyo na, ibalik nyo ang dalisay at wastong kaunlaran.
Ang dalisay na kaunlaran ay nararapat maging muog
at sandalan upang hanguin ang pamayanan at sambayanan. Upang ito ay maging malikhain
at epektibo, makagawa ng mabuti, makabuluhan at mabisang pamamalakad.
Kailangang maisalarawan nito ang mga makahulugang proyekto at programa sa
mamamayan upang mapatunayan ang tagumpay at kabayanihan. Isang paraan nang
pamumuhay at mga pagpapahalaga katulad nang ginawa ng ating mga ninuno. Kung
wala ang mga ito, ang lugar ay maaaring maging isang walang-silbing pamayanan o
bayan.
Ang likas na kaisipang gumagalaw sa kamalayan na
hinaharap ng komunidad ay alam din ang halaga ng kaunlaran bilang isang
makahulugang sangkap sa pagtataguyod ng mabuting asal o etika ng totoong buhay.
Ang paglago ng pamayanan ay nakasalalay mismo sa pagkakaisa ng pamayanan, hindi
upang manipulahin lamang ito dahil sa kasakiman.
Samakatuwid ito ang wagas na pamantayan ng kaayusan
na hindi mag-aalinlangan; ang dalisay na kaunlaran ay makakamit sa pamamagitan
ng mga tao, para sa mga tao at kaisa ang mga tao... ngunit pagmasdan ang
paligid? Ano na ba ang nasisilayan dito? Ito ba'y para sa kabutihan, kaayusan,
o makatuwiran?
Marahil ang dahilan kung bakit wala ng tunay na
pakiramdam ang pag-unlad ay dahil binabaliwa na nito ang pagpapahalaga sa
kasaysayan at tanawing muli ang mga aral nito. Sapagkat napatunayan ng
napaigting natin ang kaalaman sa nakaraan ay lalong mapapabuti ang paghahanda
sa hinaharap na kaunlaran.
Ang pinakamahalagang bagay na totoong umunlad ay
hindi upang ipagmayabang ang lahat ng mga sinariling proyekto at abusuhin o
sirain ang likas-yaman, sa halip ito'y kung papaanong maging totoong
napapakinabangan at alalahanin ang mga dakilang ideya na ito ng kabutihan ay
nababatay sa tunay na kahalagahan nang pagaaruga at pagrespeto sa komunidad
kasama na ang pagprotekta at mapangalagaan ang kalikasan..
Tayo ba'y sawimpalad na mawalan ng pagkakataong
mapagnilayan ang ganitong sandali?!
Dalangin nami'y gisingin kami, mahabaging langit.
No comments:
Post a Comment