Naglalahong kapahalagahan
Isang kahig isang tuka... Ganyan nga ba ang mga dukha? Isang kahirapan na patuloy na pumupuksa sa karamihan. Ano nga kaya ang ugat ng punong ito?
Kapansin-pansin nitong nakaraang mga buwan na halos linggo-lingo ay may inililibing sa ating bayan. Kasabay sa paghuni ng gokgok sa madaling-araw, mababalitaan mo kinaumagahan na meron na namang pumanaw... Isang kahabag-habag nitong huling pangyayari sa isang barangay. Katatapos lamang ng aming block rosary sa isa sa mga bahay na dinadasalan ay may tumawag sa amin na mag pray-over sa isang maysakit na noon lamang isang linggo ay naroon kaming nag rosaryo sa kanilang bahay. Isang maliit na kwarto kasama na ang kanilang sala at mesa na kinakainan. Gabi na noon at aandap-andap ang kanilang nag-iisang ilaw sa bahay. Nakaratay sa banig ang may sakit na ama ng tahanang iyun. Hindi na kumikilos at wari'y di na rin humihinga. Sa kwento ng may bahay natagpuan daw sya sa kanyang bangka habang umuulan noon ng bagyong Luis na nakahandusay, di na makagalaw at halos walang malay, kaya binuhat pauwi sa kanilang bahay nong nakakita sa kanya. Isang nakakagulat ang sinabi nang asawa na ayaw nyang magpa ospital. Nagagalit pa raw nong sabihing dadalhin sya sa hospital pagkamalay.. Dinatnan namin sila noong isang araw na ang nakalilpas nong pangyayaring iyun, di na nga raw nakakain simula non. At kinabukasan nga'y nabalitaan naming wala na sya't pumanaw.
Kung babalikan ko ang mga nadaanan naming mga bahay sa aming pagrorosaryo, kapuna-puna na talagang may kahirapan sa karamihan sa kanilang pamumuhay na kahit sa kabila ng pagsusumikap ay tila bagang walang pagbabago sa ganitong kalagayan. Katulad na nga sa pangyayaring ito na sa kanyang pagkayod sa buhay kahit bumabagyo ay doon na sya mismo inabutan ng kanyang agaw-buhay na pagkahig upang may makain man lang sa araw-araw. Sa kabilang dako nama'y napagtagumpayan nya ang maitaguyod ang karangalan at hindi siya kumapit man lang sa patalim o balaraw ng droga o ano pa mang ikasisira ng dangal!
Isang kalunos-lunos na reyalidad na patuloy na nangyayari sa ating lipunan at tila walang katapusang dinaranas ng karamihan na dapat sana'y mabigyang kahalagahan at matugunan ang ganitong mga suliranin at kapahamakan. Ito ba'y bunga nang kapabayaan o walang kapakialaman at pakiramdam na pamahalaan? O simpleng bunga nang kasakiman ng ilan sa mga pamunuang walang pakialam? Ano nga ba ang pwedeng gawin upang matulungan ang marami nating kasamahan dito na di lamang isang kahig ang pagsusumikap ngunit maikatlo o limang beses o higit pang kahig nito ay di pa rin masumpungan ang kapanatagan sa buhay? Hihintayin pa ba nating muli ang paghuni ng kwago sa madaling araw at makatatagpo muli tayo ng ating kasamahan na nakahandusay sa kanyang bangka nang pangingisda o sa kanyang kalabaw nang pag-aararo o pagtatanim at nanlalamig na sa ulanang agaw-buhay nang nakahilatay? Ano na ba talaga ang kapalarang naghihintay?
Oo mapapalad nga ang mga mahihirap sa paratang ni San Lukas sa ating Ebanghelyo ngunit ang isa pang sulat ni San Mateo'y mapalad rin ang ating espiritu ng paghihirap. Paghihirap at pagtitiis sa Krus ng buhay, o kasalanan. Isang kabalintunaang kawikaan patukoy sa pagkilala sa ating Diyos. Ngunit paano na kaya kung mawala na ang pagkilalang ito? Paano kung hindi na ito maunawaan ng sino man at lalo na ng mga taong biktima ng ganitong kalituhan ng kahirapan at mawala nang tuluyan ang pananampalataya sa Poong Mahal? Ah siguro nga isa iyun sa mga mensahe ng Maykapal na sa kabila ng ating pagdarasal ng rosaryo sa bahay-bahay at mga pamilya sa barangay ay madamayan ang karamihan sa mga pasang krus nang paglalakbay sa buhay at muling masulyapan ang pag-asang nakukublihan na ng mga ulap ng kabiguan lalo ng kawalang damayan na nagdudulot na rin ng kamatayan at masilayan muli ang karikdan ng pananalig sa Poong Mahal? Sa katotohanan matutugunan talaga ito ng mamamayan, o ng pamahalaan o lipunan, o ng pamilya, o ng simbahan. Merong makalulutas nito at alam na.
Sa ating pananaw ay naroon na ang kasagutan sa lahat na pumupuksa sa karamihan at hindi lamang isa ang kakabig sa bawat kahig nating mga dukha. Dito matatanaw ang kahulugan ng isang pamilya, ng isang mamamayan, o higit kaya'y ang pagsasabuhay ng isang pananampalataya. Tunay ngang madugo ang usaping ito, kasing dugo marahil nang pagpasan at pagpako sa krus kay Hesus. Dahil Siya na rin mismo ang magpapasan sa ating kahirapan at paghihikahus sa pag-alay mismo ng kanyang buhay. Ito ba'y katulad din ng kaginhawaang tinatamo ng mga nagsasamantala mismo sa kahirapan? O di kaya ito'y awang hustisya na ginagalawan ngayon at maging layunin talaga ng bawat sibilisasyon sa buong kapuluan, relihiyon man o gobyerno! Alamin na ang kapahalagahan... O baka naman pagsasamantala na lamang ang gumagalaw at syang gumugunaw sa ating kapaligiran, kaya nga't napakailap pa rin talaga ng totoong kaginhawaan at isang kahig isang tuka pa rin tayo hanggang ang kahalagaha'y malusaw at ang mundo nati'y magunaw???
Help
No comments:
Post a Comment